Wednesday, September 21, 2011

Filipino Time

Nakakapagtaka nga naman kung paano nagsimula ang ganitong ugaling Pinoy. Alam naman natin na likas tayong maagap at masipag ngunit sa kabilang banda ay may ganitong kaugalian tayo. Batid naman natin na ang ganitong ugali ay namana natin sa mga dayuhan at dala na rin ng impluwensiya nila sa atin. Kung inyong titignang mabuti ay walang nakasaad sa ating kasaysayan na mga tamad tayong mga Pinoy. Ang ating mga ninuno ay masisipag na mga tao at maaga sila sa pagtatrabaho at walang sinasayang na oras. 

Paano nga ba nagsimula na maging huli tayo sa oras ng pagpupulong, pagpasok sa opisina at klase.Ano nga ba ang ugat ng ganitong kaugalian natin at bakit nagiging talamak na ito? Kung ating mapapansin ay malaki ang epekto nito sa ating ekonomiya at pamumuhay. Sa larangan pa lang ng negosyo ay malaki ang epekto ng pagiging huli sa mga business deals o appointment. Kung susuriing mabuti ay maaaring malugi ang isang kumpanya dahil lamang sa kaunting oras ng pagkahuli sa napagkasunduang oras. 

Paano nga ba natin mababago ang ganitong ugali at maibabalik ang dating ugaling Pinoy na maagap at masipag. May pag-asa pa ba kaya na malunasan ang ganitong sakit sa ating lipunan? Kailan pa kaya natin maiisip na baguhin ang ganitong kalakaran sa ating lipunan? 

Sa aking paglalakbay sa ating lipunan ay aking masusing babantayan ang bawat detalye na nangyayari. Aking ibabalita sa inyo ang puno't dulo nito at kung paano natin masusulusyunan ang ganitong problema. Sa ngayon ay puro salita lang ang magagawa ko mga kaibigan ngunit huwag kayong mag-alala dahil sa mga susunod na ulat ko ay may karampatang pagtugon na akong ilalathala rito at siyempre kasama kayo sa tutulong na mabigyan ng kasagutan ang problemang ito sa ating lipunan.



Ugaling Pilipino

Maligayang pagbati sa inyong lahat. Nais ko sanang ihatid sa inyo ang mga sari-saring ugaling Pilipino na alam kong alam niyo na din ngunit hindi nabibigyang pansin. Ang nais ko lamang ay talakayin ito at bigyan ng kaunting paglalarawan sa epekto nito sa ating lipunan at sa ating sarili na rin. Alam naman natin na ang ugaling Pilipino ay kakaiba sa ibang bansa dahil ito ay bunga ng halo-halong kultura ng mga mananakop sa atin at epekto na rin ng impluwensiya ng ibang bansa. Halina at tuklasin at alamin natin mga ugaling Pilipino. Samahan niyo ako sa aking paglalakbay upang ihatid sa inyo ang mga sariwang balita at isyu tungkol sa ating ugaling Pilipino.